Umapela si Lubao Mayor Dennis Pineda sa media na maging patas sa pag-uulat at sundin ang Code of Ethics of Journalism upang hindi mailigaw sa katotohanan ang kanilang mambabasa.
Ayon kay Mayor Pineda, tapos na ang eleksyon sa Pampanga subalit hanggang ngayon ay patuloy na isinasangkot ang kanilang pamilya partikular ang kanyang amang si Rodolfo “Bong” Pineda sa nagaganap na kaguluhan sa lalawigan.
Mariing itinanggi ni Mayor Pineda, pangulo ng League of Mayors of Pampanga, ang mga malisyosong akusasyon na kumakalat sa text na ang kanilang pamilya ay sangkot sa nagaganap na pagpatay sa ilang barangay officials sa lalawigan matapos matalo ang kanyang inang si KAMPI gubernatorial candidate Lilia Pineda sa nakaraang eleksyon.
Iginiit ng batang alkalde na walang kinalaman ang kanilang pamilya sa pagkamatay ni barangay chairman Mario Nulud ng bgy. San Juan Bautista, Guagua kamakailan.Aniya, nag-iimbestiga na ang kapulisan hinggil sa pangyayari at ang mga naunang pagpatay sa mga barangay officials sa Dau at Floridablanca ay nilinaw naman ng pulisya na walang kinalaman sa pulitika.
Nagpapasalamat naman si Mayor Dennis sa lahat ng barangay officials, purok leaders at mamamayan na sumuporta sa kanyang ina at kanilang pamilya lalo ngayong binabato sila ng mga akusasyon.