Pumasok na ang panahon ng tag-ulan sa bansa. Ito ang kinumpirma ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration.
Sinabi ni Ludy Alviar ng PAGASA na ang malakas na buhos ng ulan kamakalawa ng gabi na nagdulot ng matinding pagbaha sa Metro Manila ay hindi sanhi ng bagyo kundi ito ang senyales na pumasok na ang panahon ng tag-ulan.
Gayunman, sinabi ni Alviar na natural lamang ang mainit ang panahon sa umaga subalit pagdating ng bandang hapon ay dapat na may dalang payong o kapote ang publiko dahil bumabagsak na rito ang malakas na buhos ng ulan.
Ang pagbuhos ng ulan ay hindi lamang anya nararanasan sa Metro Manila kundi gayun din sa Central Luzon, western side ng Visayas at Mindanao.
Ilan sa mga binahang lugar at nakaranas ng matinding pagsikip ng daloy ng trapiko dahil sa malakas na pag ulan at baha kamakalawa ang mga pangunahing kalsada sa Maynila, Quezon City at Mandaluyong. (Angie dela Cruz)