Paiimbestigahan ng Malacañang ang napabalitang P4 bilyong kuwestyonableng claims mula sa Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth).
Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, inatasan na ng Palasyo ang Department of Health upang tingnan ang sinasabing anomalya at ginagawang pagsasamantala ng ilang ospital at doktor sa pagkuha ng claims mula sa Philhealth program.
Napaulat na inihayag ni Philhealth vice president Madeleine Valera sa isang hearing sa Senado na may mga medical practitioners ang nakubra ang kahina-hinalang claims mula sa Philheath.
Simula umano noong 1995, nakapagtala ang Philhealth ng P4 bilyong pagkalugi dahil sa claims ng mga doktor at ospital.
Hindi rin umano nababayaran ng gobyerno ang nasa P5 bilyong premiums ng mga cardholders simula noong 2001.
Pero sinabi ni Ermita na ibabase nila ang kanilang pagbabayad sa Philhealth sa rekomendasyon ng DOH dahil nais masigurado ng Malacañang na hindi masasayang ang pera ng national government. (Malou Escudero)