Inabswelto ng Court of Appeals ang pitong Chinese nationals na naunang hinatulan ng habambuhay na pagkakakulong ng Pasig City Regional Trial Court noong 2003 sa kasong drug pushing.
Sa 51-pahinang desisyon ng CA, inatasan nito ang Bureau of Correction na palayain sina Cai Xihe alias Chua Sak Hap; Tian Sang; Cai Dushi alias Chua Tok Sit; Yan Qizhong alias Sing Hong; Lao Chi Diak alias Chi Jak; King Cheng; at Lim Chamou alias Cha Bon.
Sinabi ng CA sa desisyon nito na nagkaroon ng paglabag sa section 2 at section 3 ng Article III ng Konstitusyon ang mga Anti-narcotics agents ng pulisya na sumalakay sa isang umano’y drug den sa San Juan, Metro Manila at umaresto sa mga akusado noong Enero 28, 2002.
Pinagbawalan ng mga awtoridad ang mga akusado na masaksihan nito ang ginawang imbentaryo sa sinasabing shabu laboratory ng mga ito na maliwanag na paglabag sa batas kahit mayroong barangay officials na naging testigo rito. (Rudy Andal)