Kinondena ng grupong “Kontra Daya” ang hindi pagpapatuloy ni Comelec Commissioner Benjamin Abalos sa pagpoproklama ng siyam na nanalong kandidato sa pagka-Senador.
Ayon kay Kontra Daya Convenor Fr. Joe Dizon, tila naghihintay pa umano ng himala si Abalos upang makaakyat sa magic 12 ang mga kandidato ng Team Unity. Aniya, sinadya umano ni Abalos na hintayin muna ang mga botong magmumula sa Maguindanao at Lanao del Sur upang maibilang pa ang mga boto dito sa mga kandidato ng TU.
Iginiit ni Dizon na hindi na dapat hintayin pa ang mga boto mula sa nabanggit na mga lalawigan dahil itinuturing na mga kuwestiyonable ang mga boto rito dahil sa umano’y naganap ng talamak na dayaan.
Magugunita na sinabi ni Abalos kamakailan na ipoproklama na ng Comelec ngayong araw ang unang siyam na mga nanalong kandidato sa pagka-Senador ngunit binawi ito kamakalawa dahil may apat na milyon pang boto ang umano’y hindi pa nabibilang. (Grace dela Cruz)