Masaklap ang sinapit na kamatayan ng isang Pinoy civil engineer matapos na aksidenteng mabangga ang minamaneho nitong kotse ng isang police car na humahabol sa isa pang sasakyan sa Jeddah, Saudi Arabia noong Huwebes.
Sa report na tinanggap kahapon ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Esteban Conejos, kinilala ang biktima na si Diosdado Santiago, 50, na kababalik lamang sa Jeddah mula sa pagbabakasyon nito sa Pilipinas.
Sa imbestigasyon ng Arab Police, binabagtas ni Santiago ang kahabaan ng Al-Salamah District nang salpukin ng humaharurot na police car na noo’y may tinutugis na isang sasakyan.
Sa lakas ng pagkakabangga ay nabali ang mga buto sa kanang hita ni Santiago at nawasak din ang kaliwang mukha nito.
Naisugod pa siya sa ospital dakong 7:40 ng umaga noong Huwebes pero binawian rin ng buhay makalipas ang halos isang oras.
Kapwa wasak din ang sasakyan ng biktima at mobile car.
Ayon kay Conejos, si Santiago ay nagtratrabaho bilang engineer sa Al-Bihar Construction Co. na noon ay patungo na sa kanilang project site sa Muhamadiyak galing sa Malek Road nang maganap ang malagim na sakuna.
Kaugnay nito, inaasikaso na ng DFA ang pagpapauwi sa bangkay ng biktima sa bansa.
Nabatid na 20 araw nag-emergency leave si Santiago at kababalik lamang sa Jeddah nitong Linggo. (Joy Cantos)