Lumikha ng sindak, grabeng pagsisikip ng daloy ng trapiko at tulakan ng commuters ang pagkakatuklas sa itim na bag na inakalang naglalaman ng bomba sa paanan ng tulay na nag-uugnay sa LRT at MRT, kahapon ng umaga sa Pasay City .
Mas lalong nag-unahang magpanakbuhan ang mga commuters makaraang magpasiya ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics at Explosive Ordnance Division (SWAT-EOD) ng Pasay police na huwag munang paraanin ang mga sasakyang tumatahak sa kahabaan ng EDSA patungo sa katimugang bahagi at itinaboy din ang mga taong naglalakad sa bangketa upang maiwasan ang posibleng disgrasya sakaling bomba nga ang laman ng itim na bag.
Sa tinanggap na ulat ni Senior Supt. Marietto Valerio, hepe ng Pasay police, itinawag ng mga traffic enforcers sa SWAT ang pagkakatuklas nila sa bag na itim na kaduda-dudang iniwanan sa naturang lugar sa EDSA Rotonda dakong alas-8 ng umaga.
May nakalawit umanong P100 piso sa zipper ng bag na sa unang hinala ng pulisya ay nagsisilbing switch na kapag hinatak ay sasabog ang bomba sa loob nito.
Halos isang oras din ang inabot ng makapigil hiningang pagde-defuse ng inaakalang bomba na ginamitan ng mga tauhan ng EOD ng water charger upang maiwasan ang secondary explosion kung sakaling positibo ito.
Nabatid na posibleng isang uri lamang ng pananakot o pambubulabog ang ginawa ng nag-iwan sa bag matapos matuklasan na pawang maruruming damit lamang ang laman nito.
May hinala rin ang pulisya na isang palaboy ang may-ari ng bag at naiwan lamang ito sa naturang lugar dahil pawang maruruming damit lamang ang laman nito. (Rose Tamayo-Tesoro)