Nilinaw kahapon ni Executive Secretary Eduardo Ermita na hindi niya pinakikialaman ang laban ng kanyang anak na si Edwin Ermita sa Batangas, kung saan wala pa ring naipoproklamang bise gobernador.
Pinabulaanan ni Ermita ang ulat na siya umano mismo ang nagpatigil sa proklamasyon ng nanalong bise gobernador sa Batangas dahil natalo umano si Edwin.
“Hindi totoo yon. Paano ko naman maipapatigil, I’m not an authority. The only one who can stop that will be the Comelec (Commission on Elections),” pahayag ni Ermita.
Kinakaladkad lamang umano siya sa pulitika sa Batangas dahil nagkataong tumakbong bise gobernador ang kanyang anak na naging ka-tandem ni governor-elect Vilma Santos.
Sinabi pa ni Ermita na may sariling mga abogado ang kanyang anak at ang paghiling sa pagpapatigil sa proklamasyon ay siguradong ipinanukala ng mga ito.
“Si Edwin, ay 45 years old. He has his own battery of lawyers. So kung ano man ang kanilang ginawa, ano man yong recourse nila, sa legal recourse, I can imagine that is because his lawyers think so,” dagdag ni Ermita.
Ginagamit lamang umano ng nakalaban ng kanyang anak ang isyu nang pagiging executive secretary niya upang kaladkarin ang Malacañang sa isyu. (Malou Escudero)