2 Pinoy na bugaw sinentensyahan sa Palau
Dalawang Pilipino ang nasentensyahang maku long sa Republic of Palau dahil sa pambubugaw nila sa pitong Pilipinang pinagtrabaho nila bilang prostitute sa naturang bansa.
Sinabi kahapon ni Philippine Ambassador to Palau Ramoncito Marino na, noong Mayo 8, dalawang Pilipino at dalawang babaeng Intsik ang napatunayan ng Court of Palau na nagkasala sa kasong human trafficking.
Ang mga Pilipino ay nahatulang makulong nang isa hanggang tatlong taon at pinagmulta ng $7,000 habang ang mga akusadong Taiwanese ay hinatulan ng 20 taong pagkabilanggo at pinagmulta ng $50,000 bukod sa pagpapabayad sa kanila ng $18,000 para sa kanilang mga biktima.
Pitong waitress na Pilipina na dating namamasukan sa isang restawran sa Palau ang nagreklamo na pinuwersa sila ng kanilang mga employer na magtrabaho bilang prostitute.
Napatunayan sa korte na alam ng isa sa mga akusadong Pilipino na gagawing prostitute ang mga biktima.
Ayon kay Marino, lima sa mga biktima ay nakakuha na ngayon ng maayos na trabaho sa Palau habang ang iba ay naghahanap pa ng trabaho. Lahat sila ay pinayagang mamalagi pa sa Palau.
Hindi naman binanggit ni Marino ang pangalan ng mga Pinoy na nahatulang makulong sa Palau. (Joy Cantos/Gemma Garcia)
- Latest
- Trending