Ang pagbalam sa canvassing sa Pateros at Taguig ay malamang na naglalayong dayain hindi lamang si Genuine Opposition senatorial candidate Alan Peter Cayetano kundi pati ang asawa niyang si Laarni Cayetano na tumatakbong Kongresista sa unang distrito ng Taguig-Pateros.
Ito ang hinala ni Atty Joel Montales, isang abogadong tumutulong sa mga Cayetano, dahil magkasunod na naantala nitong Sabado at Linggo ang canvassing sa naturang mga bayan.
Habang isinusulat ang balitang ito, wala pang linaw kung isasagawa muli ang canvassing.
“Ayaw kong magbintang, pero sana huwag naman nilang gawin iyon dahil hawak natin ang kopya ng aming election returns at si Ms. Lani Cayetano ang nanalo sa 1st district,” ani Montales.
Ayon kay Montales, noong Sabado ay kinuwestiyon na nila ang pagpapaliban sa bilangan. Ipinatawag daw kasi ang chairman ng board of canvassers sa Commission on Elections ngunit puwede naman umanong ituloy ito kahit wala ang nasabing opisyal. Wala namang order at paliwanag ang chairman kung bakit siya ipinatawag doon.
Noong nakaraang Linggo, muling ipinagpaliban ang canvassing dahil aantayin naman daw ang pagbibilang sa mga boto mula naman sa ikalawang distrito.
Base sa unofficial quick count results, si Lani Cayetano ay nakakuha ng 38,671 boto kumpara sa mga katunggali nitong sina Arnel Mendiola Cerafica na may 35, 995 votes at Jose Pepe Capco na may 12, 864.
Ang ipinag-aalala ni Montales, ipinagpaliban ang canvassing kung kailan bibilangin ang mga balotang mula sa balwarte ng mga Cayetano sa Lower Bicutan at Bagumbayan.
Hiling ng naturang abogado na sana ay hindi na madaya pa si Lani tulad ng dinaranas ngayon ng mister nito na nababawasan ng boto sa Zambales, Malolos, Puerto Princesa, Palawan; Autonomous Region for Muslim Mindanao at iba pang bahagi ng bansa.