Ito ang inihayag kahapon ni PNP Chief Director General Oscar Calderon sa isang pulong-balitaan sa Camp Crame sa Quezon City kasabay ng pagpapa harap kay Duntugan sa mga mamamahayag.
Sinasabi ni Duntugan na napatay niya si Campbell nang mapagkamalan niya itong isa niyang kapitbahay na kagalit niya. Nawala siya sa sarili nang mabangga siya ng biktima sa paglalakad at mahulog ang mga dala niyang damit kaya pinukpok niya sa ulo ang babae. Pinabulaanan niyang ninakawan o hinalay niya ang turista.
Nabatid na isinampa na noong Linggo ng Ifugao Police ang kasong murder laban kay Duntugan.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, hindi pinayagan si Duntugan na magsalita sa mga mamamahayag. Palagi siyang nakayuko at umiiyak. Takda din siyang ibalik sa Ifugao mula sa Crame.
Idiniin naman ni Calderon na hindi utak-kriminal si Duntugan at naniniwala siyang isang kabiglaanan ang nangyaring pagpaslang ni Duntugan sa biktima. (Edwin Balasa)