Bubuhos ang malaking bilang ng transport groups sa pangunguna ng militanteng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide at mga pamilya nito sa isang malawakang kilos protesta ng mga manggagawa ngayong Araw ng Paggawa.
Ayon kay Piston Secretary General George San Mateo, may 1,500 mga drayber kasama ng mga kapamilya nito ang sasama sa malawakang pagkilos ng mga manggagawa kasama ng Kilusang Mayo Uno at Anakpawis Partylist sa Liwasang Bonifacio.
Sinabi ni San Mateo na makaraan ang isasagawang programa dito ay magmamartsa sila patungong Mendiola kasama ng mga manggagawa ang mga drayber at maralitang taga-lungsod at iba pang sektor na inaasahang lalahok sa naturang pagkilos.
Anya, kasama sa kanilang sentimyento ang matagal nang ipinagkakait na P125 dagdag-sahod, pagtaas ng presyo ng petrolyo at mataas na halaga ng mga bilihin at serbisyo sa pamahalaan.
Binanggit pa ni San Mateo na ang mga tsuper na nagtatrabaho at nagpapatulo ng pawis sa araw araw upang makapagbigay ng serbisyo-publiko sa mamamayang Pilipino, ay isa sa pinakamasahol na pinahihirapang sektor sa bansa dahil sa matinding krisis pang-kabuhayan dulot ng mga makadayuhan at palpak na patakaran sa ekonomiya ng administrasyong Arroyo. (Angie dela Cruz)