Ito ang ibinansag ni Genuine Opposition (GO) senatorial candidate John Osmeña sa Pulse Asia matapos siyang ilaglag papalayo sa "magic 12" sa pinakahuling survey.
Tahasang kinuwestiyon ni Osmeña ang survey na ginawa ng Pulse Asia nitong nagdaang Kuwaresma na nagpapakitang ang marami sa kasamahan niyang kandidato ay kasama sa magic 12 habang ibinaba siya ng limang ranggo palayo sa magic 12 pagkaraang tumanggi siyang magpakomisyon ng survey at magbayad ng kaukulang halaga para pondohan ang isang bahagi ng survey.
Hinamon ng kanyang kampo ang Pulse Asia at ang karibal nitong Social Weather Station para buksan sa pagsusuri ng publiko ang lahat na record na may kinalaman sa opinion survey para masagot ang dumaraming akusasyon na hindi tama ang kanilang survey at ito ay minamanipula.
Sa Cable TV Channel ANC, inakusahan ni Osmeña ang Pulse Asia ng pandaraya sa resulta ng survey na ginawa nito noong Mahal na Araw. Sinabi nitong hiningi ng Pulse Asia na magbayad siya ng P300,000 subscription fee at nang tumanggi siya sa alok na subscription, nagpalabas ang Pulse Asia ng resulta ng survey na naglagay sa kanya sa pang-16 posisyon.
Mahigpit namang pinabulaanan ni Dr. Ana Tabunda ng Pulse Asia ang akusasyon.
Ayon naman kay Prof. Amancio Sarmiento, presidente ng research & survey firm na Vox Populi, magastos ang pagsasagawa ng survey. Ang pagpasok ng pondo mula sa hindi idineklarang tao ang siyang dahilan para maging mahirap sa polling firm na maging neutral sa kanilang trabaho. (Joy Cantos)