Sa ginanap na oral argument kahapon, sinabi ni Associate Justice Angelina Sandoval-Gutierrez na binigyan ng pagkakataon ng SC 1st Division ang kampo ng Shell, Petron at Caltex para ipaliwanag kung bakit hindi dapat ipatupad ang inaprubahang city ordinance 8027 na agarang nagpapaalis sa oil depot ng nabanggit na mga oil companies.
Ikinatwiran ng legal counsel ng mga kumpanya ng langis na kahit maging sentro raw ng mga terorista ang Pandacan oil depot ay hindi ito sasabog, na mariing kinontra naman ni Atty. Alcantara ng Social Justice System (SJS) Party-list kung saan ay inilarawan niya ang oil depot na isang "time bomb" na hindi lamang mga residente ng Pandacan ang maaapektuhan kundi pati ang Palasyo ng Malacanang na ilang metro lamang ang layo sa oil depot.
Sa panig naman ng Manila city government sa pamamagitan ni Atty. Melchor Monsod, nakahanda si Manila Mayor Lito Atienza na ipatupad ang agarang pagpapasara sa oil depot sa sandaling iutos ito ng High Tribunal. (Rudy Andal)