Ayon kay Engr. Bong Quiambao, special assistant ni LTO Chief Reynaldo Berroya, ngayong linggo (April 1) pa lamang ay nakakalat na ang mga enforcers ng LTO sa lahat ng entry at exit points ng Metro Manila para alalayan ang mga motorista papuntang mga lalawigan at probinsiya para doon gunitain ang Mahal na Araw.
Sinabi naman ni LTFRB Chairman Thompson Lantion na ang LTFRB Franchise Enforcement Group sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang affiliated NGOs, radio communication groups, medical teams, PNP at Bureau of Fire Protection (BFP) ay nagtutulong-tulong para gabayan ang taumbayan na maligtas sa kani-kanilang paglalakbay.
Pinaalalahanan din ni Lantion ang mga public transport operators na sundin ang mga batas at patakaran para sa kaligtasan ng mga commuters.
Maglalagay din ng LTFRB Help Desk ang ahensiya sa mga bus terminals, pier stations at mga domestic airports para maalalayan ang mga tao pauwi sa kani-kanilang destinasyon sa panahon ng okasyon. (Angie dela Cruz)