Albay mayor kinondena ng NPC

Binatikos kahapon ng National Press Club of the Philippines (NPC) ang Mayor ng Sto. Domingo, Albay sa illegal na pagkumpiska at pagpigil ng mga tauhan nito sa pag-distribute ng isang pambansang tabloid sa naturang lugar.

Sa ipinalabas na statement ng NPC na nilagdaan ni NPC President Roy Mabasa, inihayag nito na walang karapatan at kapangyarihan si Sto. Domingo Mayor Herbie Aguas o sinumang kaalyado nito na kumpiskahin ang alinmang dyaryong ibinebenta sa naturang lugar.

Naglalaman umano ng exposé ang nasabing pahayagan ukol sa mga anomalyang kinasasangkutan ng nasabing alkalde kabilang ang water scam ukol sa P27.5-M inutang ng pamahalaang lokal ng Sto. Domingo sa Philippine Veterans Bank (PVB) noong 2006, pagtatago ng mga relief goods na para sana sa mga nasalanta ng dalawang super typhoons at lahar mula sa bulkang Mayon.

"The NPC strongly deplores reported attempt of certain individuals closely identified with a local politician in Sto. Domingo, Albay to seize certain copies of Remate newspaper," ayon sa ipinalabas na statement ng NPC.

Sinabi pa ng NPC na "the move to seize newspaper and deprive people of information is reminiscent of the dark days of martial rule and authoritarianism which the Filipino have fought gallantly in 1986. This act is pure and simple tyranny and act of cowardice purposely to hide the truth to the people."

Kabilang pa sa anomalyang pilit itinatago umano ni Aguas ang nakitang pagdadala ng relief goods sa tahanan ng alkalde sa halip na ipamigay sa mga nasalanta ng nakaraang mga kalamidad sa Albay. Ito’y ayon na rin sa police blotter base sa report ni Rolando M. Esguerra, police chief ng Sto. Domingo.

Samantala, base naman sa isang isinampang kaso sa Office of the Ombudsman, nilabag umano nina Aguas kabilang ang bise alkalde, siyam na konsehal at municipal treasurer ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act nang madaliin ang pag-aapruba sa resolusyon hinggil sa pangungutang sa PVB. Ang resolusyon umano’y pinapirma sa bahay-bahay ng mga konsehal at hindi sumusunod sa legal na procedure. (Butch Quejada)

Show comments