Ayon kay Mayor Ramon Guico ng Binalonan, Pangasinan at kasalukuyang pangulo ng League of Municipalities of the Philippines (LMP), ang paghawak ni Jinggoy ng maselang tungkulin sa GO senatorial team ay bahagi ng matinding pagsisikap ng oposisyon na mapatatag ang kanilang aalug-alog na kampanya.
Naniniwala si Guico na walang magagawa ang mga Estrada sa pagpapaangat sa kampanya ng GO sa halip ay lalo lamang anyang magpapalubha sa organisasyon sina Jinggoy at ang kanyang half-brother na si JV Ejercito.
Ayon kay Guico, matagal nang tinanggal si Jinggoy sa LMP at ang kanyang pagkakaugnay sa LGUs ay isa lang hang-over mula noong nanunungkulan pa si Estrada na maging noon pa man ay wala namang gaanong hatak sa mga LGU leaders.
Ang League of Provinces of the Philippines (LPP), League of Provincial Administrators, city mayors at councilors ay todo ang suporta sa Team Unity at ipinangako ang 12-0 panalo ng lahat ng senatorial bets ng TU sa darating na May 14 elections sa kani-kanilang pook.
Sinasabing pinipigil ni dating Pangulong Estrada ang pagpapalabas ng pondo para sa kampanya ng GO matapos mabatid na tumatamlay ang pagtanggap ng masa sa mga kandidato ng GO at sa malakas na pag-arangkada ng Team Unity gaya ng ipinamalas sa mga survey.
Taliwas sa kapalaran ng GO, ang Team Unity ayon kay Guico ay patuloy ang malakas na pagsikad bunsod ng suporta ng "8 by "08" na nakasentro sa paglikha ng mga trabaho, pagpaparami ng investments, murang halaga ng pamumuhay, patuloy na pagtatag ng piso, pagsugpo sa kagutuman, edukasyon para sa mahihirap, kalingang pangkalusugan at murang pabahay, agresibong kampanya laban sa terorismo at aktibong pagtangkilik sa pangkaunlarang programang pangkapaligiran.