Ayon kay Villar, ang ginawang pagbitbit at pagkaladkad kay Ka Satur ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP) para dalhin ito sa Leyte ay isa umanong panggigipit na may kinalaman sa nalalapit na halalan dahil base sa resulta ng Pulse Asia survey ay malakas umano ang Bayan Muna sa hanay ng mga party lists.
"Mukhang nangunguna sa survey ang mga partylist na kasama ni Ka Satur kaya maaaring ginagawa ito para mademoralisado ang mga supporters niya," pahayag ni Villar.
Sa tingin naman ni Sen. Francis Pangilinan, hindi makatwiran na buhayin pa ng gobyerno ang mahigit 20 taon nang kaso laban kay Satur na isang kilalang kritiko ng administrasyon.
Sinabi rin ni Pangilinan, habang inaapi ay dumarami lamang ang nakikisimpatiya kay Satur at mas malamang na maging alas niya ito para muling magwagi bilang kinatawan ng partylist group na Bayan Muna sa eleksiyon.
Samantala, nangako naman si DILG Undersecretary Marius Corpus na iimbestigahan nila ang umano’y paglabag sa karapatan ng kongresista nang sapilitan itong bitbitin paalis ng Manila Police District kamakalawa ng madaling-araw.
Binanggit din nito na hindi ililipat ng ibang kulungan si Satur at mananatili muna ito sa pangangalaga ng MPD hanggang matapos ang oral argument sa Supreme Court.