Base sa record ng Comelec, lumalabas na ang Philippine National Police (PNP) ang mayroong pinakamaraming bilang ng nag-apply ng application na umaabot sa 9,953, kasunod nito ang 2,172 "high risk persons" subalit tumanggi ang Comelec na ibigay ang pangalan ng mga ito pero kabilang dito ang mga kandidato mula sa mga lugar na itinuturing na hot spots.
Sinala naman ng Comelec ang 26,989 applications at 1,689 applications dito ang hindi nabigyan.
Nilinaw naman ni Comelec Commissioner Nicodemo Ferrer, nakatalaga sa application ng gun ban exemption, na karamihan umano sa hindi inaprubahan ay hindi kwalipikado.
Bukod sa PNP kabilang din ang Armed Forces of the Philippines (4,539), Government employees/Bureau of Jail Management and Penolgy (4,733), high risk persons (2,172) security agency (727), transport (383), cashier/disbursing officers (722) at security escort/bodyguards (2,031) ang naaprubahan ang applications.
Iginiit pa ni Ferrer na ang ilang government officials ay awtomatikong exempted mula sa ban kahit na hindi na mag-apply ng exemption ang mga ito kabilang dito sina Comelec Chairman Benjamin Abalos, Commissioners Resurreccion Borra, Florentino Tuason Jr.,Romeo Brawner, Rene Sarmiento at Nicodemo Ferrer.
Gayundin ang mga security compliment ng incumbent President, Vice President, Chief Justice, Senate President, Speaker of the House, Associate Justices ng Supreme Court at Court of Appeals at security personnel ng mga diplomat.
Kabilang din sa exemption ang chairman, vice chairman at mga miyembro ng municipal, city at provincial Board of Canvassers (BOC) kung saan ang pangunahin nilang trabaho ay magbilang mga elections returns. (Gemma Amargo-Garcia)