Anti-dynasty unang bill ni Pimentel sa Senado

Inihayag ni Genuine Opposition (GO) senatorial candidate Aquilino "Koko" Pimentel na ang una niyang bill kapag siya ay nahalal sa Senado ay ang anti-dynasty bill upang maisabatas kung ano ang kahulugan ng political dynasty sa bansa.

Sinabi ni Pimentel, 1990 Bar topnotcher, na ang batas ukol sa anti-dynasty ay dapat mag-umpisa sa posisyon ng pangulo ng Pilipinas na tinaguriang pinaka-maimpluwensiya at humahawak ng bilyun-bilyong pisong pondo katulad ng discretionary, intelligence, social, calamity at iba pang special fund.

Sa ngayon, ang pamilya Arroyo ang pinaka-guilty sa paglabag sa anti-dynasty provision sa Saligang Batas. Bukod sa Pangulo, ang kanyang anak na si Mikey ay tatakbo muli habang si Dato ay tatakbo bilang congressman sa Camarines Sur. Si Iggy Arroyo, bayaw ng Pangulo, ay congressman naman ng Negros.

Hinamon ni Pimentel ang mga grupo tulad ng Aladyn at Sambapol na isama ang pamilya Arroyo sa kanilang political ad sa mga diyaryo bilang ehemplo ng pagpapalaganap ng kapangyarihan ng pamilya.

Aniya, walang duda na ang Palasyo ang nasa likod ng mga anti-dynasty political ad sa mga pahayagan na ang target ay mga kandidato ng oposisyon gaya niya. (Joy Cantos)

Show comments