Binatikos kahapon ni Genuine Opposition at Liberal Party senatorial candidate Benigno "Noynoy" Aquino III ang balak ng mga kandidato ng administrasyon na magpataw ng dagdag na buwis sa mga text message sa cellphone.
Sinabi ni Aquino na hahadlangan niya ang lahat ng hakbang ng Malakanyang na magpataw ng dagdag na buwis dahil mapanupil anya ito lalo na kung iisipin ang hirap ng buhay na dinaranas ngayon ng mga Pilipino.
Pinuna niya na isa nang pabigat sa mamamayan ang expanded value added tax na ipinataw noong nakaraang taon. Ang pagpataw anya ng buwis sa text message ay magpapabigat sa mahihirap lalo na sa mga overseas Filipino worker at pamilya ng mga ito.
Mas murang pabahay panukala ng Unity bet |
Upang mapalawak pa ang beneficiary base ng housing programs ng gobyerno at dumami pa ang bilang ng pamilyang Pilipino na mabiyayaan, ipinanukala ni Team Unity senatorial bet Rep. Prospero Pichay ang pagbaba ng selling costs ng pabahay para maging mas abot-kaya. Sinabi ni Pichay na ang halaga ng isang unit sa housing projects sa nga yon ay nagkakahalaga ng mula P300,000 pataas na dahilan para hindi ito makaya ng marami nating kababayan. Iminungkahi niyang tignan ng mga ahensiya ng gobyerno na may kaugnayan sa pabahay ang desenyong ginagamit ng Gawad Kalinga sa kanilang mga housing projects, na ang unit cost ay naglalaro lamang sa P50,000 hanggang P100,000.
Cesar M isasabak sa debate |
Isasabak din ng Team Unity ng administrasyon sa debate ang aktor at kandidato nilang senador na si Cesar Montano.
Ito ang tiniyak kahapon ni Team Unity Spokesman at Tourism Secretary Ace Durano na nagsabi pa na may kakayahan si Montano na makipagdebate lalo na kung tungkol sa sining, kabataan at turismo ang pag-uusapan dahil ito ang itinataguyod ng aktor.
Pero hindi nila oobligahin o didiktahan si Montano at iba pang kandidato ng Team Unity na sumabak sa debate kung ayaw nila.
Sinabi pa ni Durano na sila naman ang maglilinaw para kay Montano kung malabo ang sagot nito sa debate lalo na kung ekonomiya ang paksa.
(Malou Escudero)