Sinabi ni Santos sa kanyang mga tagasuporta na nag-rally sa labas ng city hall ng Lipa na kailangan pa niya ng hanggang tatlong araw o isang linggo para makapag-isip bilang isang lider kung ano ang dapat niyang gawin sa kanyang karerang pulitikal.
"Ayokong magsalita nang patapos dahil emosyonal ako," wika pa ng alkalde na ang desisyon kung lalabanan niya o hindi sa pagka-gobernador ang bayaw niyang si Vice Governor Ricky Recto at Governor Arman Sanchez ay pinakakaabangan ng marami.
Maagang nagtipon sa harap ng city hall ang mga tagasuporta ni Santos, nagwagayway ng mga placard at poster na nagsasaad ng suporta sa pagkandidato niya sa pagka-gobernador ng lalawigan.
Dumalo rin sa rally sina Congresswoman Eileen Ermita at dating Justice Secretary Hernando Perez at ang mga mayor at ibang lokal na opisyal ng lalawigan.
Inamin niya na napepresyur siya ng kanyang mga tagasuporta para kumandidatong gobernador kaya halos tatlong linggo siyang umiiwas sa media
Nagpasalamat siya sa mga sumusuporta sa kanya pero humihingi siya ng pang-unawa dahil sa mga isyung lumalabas laban sa kanya at sa asawa niyang si Senador Ralph Recto.
Sinabi naman ng senador sa isang panayam na tanging ang maybahay lang niya ang maaaring magsalita para sa sarili nito kung tatakbo o hindi.
Umapela siya sa mga residente ng Batangas na bigyan ng sapat na panahon ang kanyang misis para makapag-isip.
Magugunitang nagpahayag na ng pag-atras si Santos kamakailan sa pagtakbo bilang gubernador matapos mag-away ang asawa niya at bayaw. Kandidato ng Genuine Opposition sa Batangas ang vice governor.
Una nang nagpahayag si Senator Recto na kung hindi man tatakbo si Mayor Vi bilang gubernador, hindi naman nito susuportahan ang kapatid dahil sa mga nasabi nitong salita na nakasakit sa damdamin ng mag-asawa. (Arnel Ozaeta at Joy Cantos)