Belgica sasabak din sa Manila Mayoralty

Kinumpirma na rin kahapon ni dating Manila Councilor Butch Belgica ang pagtakbo nito sa darating na May election bilang alkalde ng lungsod ng Maynila.

Ayon kay dating 6th District Councilor Butch Belgica, dismayado umano siya sa naging pamamalakad ni Mayor Atienza ng mga nakaraang taon bukod pa rito ang dating magandang vision nila ng alkalde noong panahon niya ay malabo nang maipatupad.

Si Belgica ay nagsilbing konsehal noong 1995-1998 at tumakbong bise alkalde ni Mayor Lito Atienza subalit hindi ito pinalad na manalo.

Personal namang kinondena ni Belgica si Atienza dahil sa umano’y "moro-moro" nitong ginawa sa consultation assembly noong nakaraang linggo kung saan kabilang ang kanyang anak na si 6th District Councilor Greco Belgica sa pinagpipilian din bilang vice mayor.

Sa kabila nito, inamin din ni Belgica na masama ang loob niya sa alkalde dahil sa hindi pagkakapili sa kanyang anak bilang bise ni Ali dahil sa hindi nabigyan ng patas na laban si Greco na siyang natatanging mayroong plataporma sa mga pinagpipilian. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments