Textbook scam hahatulan ng SC ngayon

Magsasagawa ngayon ng oral argument ang Korte Suprema para sa kontrobersyal na textbook scam kaugnay sa libro sa public schools at teacher’s manual na pinondohan ng World Bank (WB).

Ayon kay Ma. Luisa Villarama, clerk of court ng SC, itinakda ang oral argument ngayon dahil sa isinampang reklamo ng natalong bidder sa procurement program laban sa Department of Budget and Management (DBM), Department of Education (DepEd) at tatlong opisyal ng private corporations na inakusahang sangkot sa pagmonopolyo ng kontrata.

Sinabi ni Ms. Vilarama, kabilang sa reresolbahing isyu ay ang sa pagitan ng WB guideline sa international competitive bidding at ang Procurement Reform Act na siyang nagpapatupad ng mga bidding procedures lalo sa mga foreign-funded procurement projects.

Reresolbahin din sa oral argument kung mayroon bang hurisdiksyon ang Manila Regional Trial Court kaugnay sa petisyon ng Kolonwel Trading sa kabila ng pagkabigo nitong makatupad sa itinakda ng batas sa sandaling tutol ang bidder sa desisyon ng bids and awards committee.

Dapat resolbahin din kung nagkaroon ng pag-abuso sa kapangyarihan ang korte kung sakaling may hurisdiksyon ito sa kaso sa pagbasura sa resolusyon ng DBM-DepEd inter-agency bids and awards committee na nagkaloob sa WB-funded textbook supply contract sa Vibal Publishing House at Whatana Phanit.

Naghain ng petisyon para sa Temporary Restraining Order (TRO) ang Kolonwel Trading sa pagpapatupad ng DBM-DepEd JABAC decision sa pagkakaloob ng multi-milyong textbook supply contract sa mga na-disqualified bidder na Vibal Publishing House Inc. na pinaboran naman ng korte.

Batay sa record, Ang Vibal kasama ang kanilang foreign subsidiaries na Whatana Phanit at SD Publications ay pawang mga disqualified dahil sa "inter-locking board of directors and officers" nito na itinuturing na may conflict of interest na naging ground para sila ay madiskwalipika sa ilalim ng Procurement Act. (Rudy Andal)

Show comments