Pandaigdigang krimen tatalakayin
Paiigtingin ng mga mahistrado ng sangay ng hudikatura ang kanilang kaalaman sa pagresolba sa mga pandaigdigang krimen tulad ng genocide, krimen laban sa sangkatauhan, war crimes at iba pang saklaw ng pinairal na pandaigdigang batas laban sa mga kriminal. Ang 18-miyembro ng delegado na pinamumunuan ni Supreme Court Associate Justice Adolf Azcuna ay nagtungo sa The Hague, Netherlands upang dumalo sa pitong araw na forum kaugnay sa international law. Tatalakayin sa nasabing forum ang paglilitis at paglutas sa international crimes at international criminal law. Nilinaw ng Korte Suprema na inako ng The Royal Netherlands Embassy ang mga ginastos ng mga delegado maliban na lamang sa air fare ticket na binili ng program management office ng Korte Suprema. Ang nasabing forum ay magtatapos sa darating na Pebrero 27. (Grace dela Cruz)