Bigo ang Pilipinas na maiapela ang desisyon ng isang ahensya ng Amerika na bawalang magtrabaho sa naturang bansa ang mga nakapasa sa examination noong nakaraang taon.
Nabatid na sinabihan ng ilang opisyal ng U.S. Embassy sa Maynila ang isa sa mga kinatawan ng pamahalaan sa pangunguna ni Bacolod Rep. Monico Puentebella na hindi na makikialam ang embahada sa naturang usapin dahil wala na itong magagawa sa desisyon ng Commission on Graduates of Foreign Nursing Schools na huwag bigyan ng visa screen certificate ang naturang mga nurses sakaling gustuhin ng mga ito na magtrabaho sa U.S..
Ang naturang Visa Screen Certificate ang isa sa pangunahing rekisitos para makapagtrabaho ang isang Pilipinong nurse sa Amerika pero malabo nang makakuha nito ang mga nakapasa sa licensure examination noong nakaraang taon dahil sa naganap na leakage dito.
Sinasabi pa ng embahada na wala na itong magagawa sa desisyon ng CGFN dahil hindi nila sakop ang pagbibigay ng desisyon sa kung sino ang dapat bigyan o pagkaitan ng nasabing visa.
Ginawa ng embahada ang pahayag kasunod ng pag-aapela ng mga kinatawan ng pamahalaan sa desisyon ng CGFN.
Muli ring ipinaliwanag ng CGFN sa mga dayuhang nurse na dapat nilang sundin ang idinidikta ng batas ng Amerika at lubhang napakahalaga ng pagkuha ng VisaScreen para sa mga gustong magtrabaho bilang nurse doon dahil ito ang hinihingi ng kanilang batas sa immigrasyon.
Iginigiit din ng CGFN na kailangang kumuha uli ng pagsusulit ang naturang mga nurse lalo na sa Test 3 at Test 5 na kinakitaan ng dayaan.
Samantala, dismayado ang mga magulang ng mga bagong nurse sa Professional Regulation Commission dahil patuloy ding iginigiit nito na kumuhang muli ng licensure examination ang kanilang mga anak.
Sinabi rin ni Alliance of New Nurses President Renato Aquino na iginagalang nila ang desisyon ng PRC para mabura ang agam-agam sa isyu ng nabanggit na dayaan pero dapat anyang isaalang-alang ang malaking gastusin ng mga magulang ng mga pumasa sa examination noong nakaraang taon.
Marami anya sa mga pumasang nurse ang nagbuhat sa mahihirap na pamilya sa probinsiya na nagsanla ng mga ari-arian para may panggastos ang anak sa pagkuha ng eksamen. (May ulat ni Danilo Garcia)