Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, hindi papayag ang Palasyo na gamitin ang pera sa jueteng para sa kanilang kampanya.
"Nagpapatuloy ang kampanya ng gobyerno laban sa jueteng. Ang PNP at DILG ang siyang mananagot dito", sabi ni Ermita.
Kasabay nito, hinamon ni PNP spokesman Samuel Pagdilao ang whistleblower na lumantad at makipagtulungan sa pulisya sa imbestigasyon laban sa naturang illegal numbers game.
Batay sa pagbubunyag ng whistleblower, P300,000 kada buwan ang nakukuha sa jueteng nina 1st district Rep. Edcel Lagman, Presidential Chief of Staff Joey Salceda na dating kinatawan ng 3rd district ng Albay, 2nd district Albay Rep. Carlos Imperial at isa pang mayor ng nasabing probinsiya.
Binanggit din sa ex pose ang mga bayan ng Polangi, Legaspi at Tabaco na sinasabing talamak ang operasyon ng jueteng.
Sa panig ni PNP Anti-Illegal Gambling Task Force chief P/Director Edgardo Doromal, sinabi nito na hinihintay pa nila ang report ni Police Regional Office (PRO)5 Director Ricardo Padilla alinsunod sa pinaiiral na one-three-two strike policy ng PNP.
Subalit bago sibakin ang isang opisyal ay kailangan ang pag-apruba rito ng Comelec dahilan sa election period. (Lilia Tolentino At Joy Cantos)