Ayon kay Supt. Ferdinand de Castro, Bauan police chief, kasalukuyang iniimbestigahan na ang isang PO1 Jun Virtusio na nakatalaga sa Cuenca police station at sibilyang si Jerry Mendoza matapos masakote ng mga rumespondeng pulis.
Ani de Castro, si Barbers, kasama ang kanyang asawa at tatlong anak na babae ay sakay ng Ford Explorer (XCF-938) at papunta sana sa isang beach resort sa Bauan ng bigla na lang harangin sa may Barangay Maghinao bandang alas-11 ng umaga.
Sa salaysay ni Barbers, tinangka umano niyang lagpasan ang isang kotseng Laser sa harapan niya pero hinaharangan umano siya tuwing o-overtake ito.
"Mga 15-minutes akong nag-paflash ng headlight ko para mag-overtake pero lagi akong hinaharang nung kotse na nasa harap ko na walang plate number," ani Barbers
Nang maka-overtake ito, may humabol naman sa kanya ang isang Toyota Revo hanggang sa abutan ito at sapilitang pinababa ng sasakyan habang nakatutok ang matataas na kalibre ng baril.
Pero bago nakababa si Barbers sa kanyang sasakyan, napansin umano ng isang civilian ang kaganapan at kinunan ito ng video gamit ang kanyang cellphone.
Dahil doon, nabulabog ang mga suspek hanggang sa mabilis itong nagsitakas at maiwan ang kanilang kasamang sina Virtusio at Mendoza.
Inutos na ni Chief Supt. Nicasio Radovan, Calabarzon region police director, ang pagtugis sa mga kasabwat ni Virtusio na nakilalang si PO3 Manuel Villegas na isang miyembro umano ng Air Force.
Iniimbestigahan na rin ng Batangas police kung may kaugnayan nga sa bigong kidnapping ang naganap na krimen.