Ayon kay Defensor, buo na ang kanyang pasya na sumabak sa pagka-senador at harapin ang panibagong mundo sa kanyang political career.
Bago naging kongresista, si Defensor ay naglingkod din bilang konsehal ng Lungsod Quezon sa edad na 22-anyos bukod pa ang pagiging student leader sa University of the Philippines (UP) at chairman ng National Union of Students of the Philippines.
Si Defensor din ang pinakabatang naging miyembro ng Gabinete nang maitalaga ito bilang DENR secretary, Presidential Adviser on Housing at chairman ng Housing and Urband Development Coordinating Council (HUDCC).
"Hindi rin ganoon kadaling magdesisyon at iwanan ang pagiging Presidential Chief of Staff. Pero malaki ang ating paniniwala na mas magiging epektibo tayo sa lehislatura dahil matagal din naman tayong naging konsehal at kongresista," sabi ni Defensor.
Sa kabila ng planong pagre-resign, tiniyak ni Defensor na patuloy pa rin niyang itutuloy ang krusada patungo sa pagkakaisa ng lahat ng sector ng bansa. (Lilia Tolentino)