Sa ginawang botohan kagabi, 35 ang bumoto ng pabor sa suspensiyon ni Cayetano, tatlo ang kumontra at isa ang nag-abstain, si Makati Rep. Agapito "Butz" Aquino na hindi sumali sa botohan dahil "kangaroo court" anya ang komite.
Kaugnay sa akusasyon nito na may may itinatagong yaman sa Munich, Germany ang pamilya Arroyo.
Naging mainitan ang hearing ng komite na inabot ng halos anim na oras, matapos tanggapin ang 49-pahinang report ng fact finding team kung saan bitbit ang certification mula sa Hypo Vereinsbank na nagpapatunay na walang bank account sa nakalipas na 10 taon sina Jose Miguel Arroyo, Ignacio Arroyo, Juan Miguel Arroyo, Diosdado Macapagal-Arroyo, at maging sina Pangulong Arroyo at anak nitong si Ma. Lourdes Evangeline "Luli" Arroyo.
Ibinasura rin ng komite sa botong 36-3 ang apela ni Cayetano na i-dismis na ang kasong inihain laban sa kanya ng mga miyembro ng pamilya Arroyo.
Natalo sa ginawang botohan ang "demmu rer to evidence" ng abogado ni Cayetano dahil sa "lack of merit" kaya dapat magprisinta ng mga ebidensiya si Cayetano.
Ayon kay Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte, halata umanong nagsisinungaling si Cayetano dahil wala itong maipresentang ebidensiya sa komite.
Napilitan ang komite na i-terminate ang presentasyon ng ebidensiya ni Cayetano dahil wala siyang maiprisentang dokumento na magpapatunay na may multi-million dollar account ang mga Arroyo.
Nakatakdang pagbotohan ngayon sa plenaryo ang report ng komite na nagrerekomenda ng suspensiyon kay Cayetano.
Kailangang makakuha ng 2/3 boto ng kabuuang miyembro ng Kamara o 154 na boto upang mapagtibay ang iginawad na parusa kay Cayetano.
Sinabi ni Cayetano na ilalaban pa rin niya sa plenaryo ang ipinataw na parusa sa kanya.