Sinabi nina Enrique Locsin at Philip Brodett ng PHC sa isinagawang pagdinig ng senate committee on government corporations and public enterprises na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon, kumita ang PHC ng P2.8 milyon nitong nakaraang taon sa investment nito sa TCI, isang call center sa 4th floor ng SM-Manila at inaasahan nilang aabot sa P30 milyon ang kanilang kita sa 2007.
Itinanggi din ni Locsin na nagbayad sila ng P2 milyon para sa TRO sa Sandiganbayan bagkus ay pinambayad nila ang nasabing halaga sa legal fees taliwas sa akusasyon ng mga board members ng Philcomsat at Philippine Overseas Telecommunications Corp. (POTC).
Aniya, bilang isang publicly-listed corporation sa Philippine Stock Exchange (PEC) ay malayang mabubusisi ang corporate expenditures nito dahil regular silang nagsusumite ng audited financial report sa PSE di katulad ng Philcomsat at POTC na ilang taon na ring hindi sumasailalim sa auditing.
Wika naman ni Mr. Brodett sa ginanap na pagdinig ng Senado, nais lamang pagtakpan nina Jose Africa at Mr. Bildner ang kanilang problema sa POTC at Philcomsat kaya nila inaatake ang PHC kaya nais nilang palabasin na mismanaged ang PHC gayung lumago ang stock nito sa P1.5 bilyon mula sa P10 milyong investment nito may ilang dekada na ang nakakaraan.
Kinuwestyon ang ginawa ng Africa-Illusorio faction sa ilegal na pagbebenta nito ng Cessna jet plane, isang helicopter, 3 condominium units, pagbenta ng share of stocks at kwestyonableng investment na nagresulta sa pagkalugi ng Philcomsat at POTC sa kabila ng pagiging sequestered corporations nito ng gobyerno. (Rudy Andal)