Peace panel pinalaya na ng MNLF!:‘Hosted’ di hostage

Matapos ang may dalawang araw na pagkakaipit sa kamay ng mga rebeldeng Moro National Liberation Front (MNLF) ay pinakawalan na rin kahapon ang peace mission team ng pamahalaan na pinangungunahan nina Marine Maj. Gen. Benjamin Dolorfino, Defense Undersec. Ramon Santos at 13 iba pa sa Sulu.

"We are not hostages, we hosted a dialogue with them (MNLF rebels), were now feeling well, we can go home," ani Dolorfino sa phone interview na kinumpirmang pababa na sila ng bundok mula sa kuta ni MNLF Commander Ustadz Khavier Malik.

Muling nilinaw ni Dolorfino, pinuno ng AFP-National Capital Region command (NCRC), na hindi sila hinostage ng grupo ni Malik kundi pansamantala lang pinigil sa kampo ng mga ito sa Brgy. Pitan-ag, Panamao, Sulu matapos silang magtungo sa lugar noong Biyernes para ayusin ang gusot sa faction ng grupo ni dating ARMM Gov. Nur Misuari.

Sinabi ni Dolorfino na nagdaos ng farewell party sa peace mission team ang grupo ni Malik kung saan ay sinilbihan sila ng mga ito ng litsong baka.

Sinabi pa ng heneral na patunay na hindi sila hostage ay pinapayagan silang gumamit ng cellphone at hindi rin sinamsam ng grupo ni Malik ang kanilang mga armas.

Inirereklamo ng grupo ni Malik na hindi tinupad ng administrasyon ang pangako nito tulad ng pagkakaroon ng tripartite discussion kasama ang MNLF at Organization of Islamic Conference (OIC) kung saan hindi natuloy ang pag-uusap nitong Enero 20.

Ayon sa heneral, tiniyak ng pamahalaan kay Malik na matutuloy na ang tripartite meeting sa Marso 14 sa Jeddah, Saudi Arabia upang resolbahin ang sigalot sa implementasyon ng 1996 peace agreement.

Nagtungo ang grupo ni Dolorfino sa kampo ng MNLF sa Panamao, Sulu upang imbestigahan ang napaulat na bakbakan ng mga sundalo at ng MNLF rebels na naunang napaulat na engkuwentro sa mga bandido noong nakalipas na Enero 18 kung saan 10 diumano sa grupo ni Malik ang napaslang.

Ang MNLF ang itinuturing na isa sa pinakamalaking grupo ng mga rebeldeng Muslim na pinamumunuan ni Misuari. (Joy Cantos)

Show comments