Sa press conference kahapon na dinaluhan ng mga opisyal at miyembro ng Federated Association of Manpower Exporters (FAME), nabatid na higit na malaki ang kanilang nakatakdang ilunsad na rally sa harap ng tanggapan ng DOLE sa Martes.
Ayon kina Ed Mahiya, pangulo; Fred Palmiery, chairman at Domingo Jangayo, auditor ng FAME, nagsisilbi umanong kalbaryo at unti-unting pagkawala ng trabaho ng mga DH ang bagong patakaran kaya sila patuloy na umaapila kay Pangulong Arroyo na ipatigil ang pagpapatupad nito.
Limang bagong patakaran ang sinasabing unti-unting pumapatay sa mga DH na kinabibilangan ng pagpapataas ng suweldo mula sa dating US$200 ay ginawang US$400. Pagpapataas ng edad mula sa 18 ay ginawang 25. Mandatory testing mula sa mga accredited testing center ng TESDA at pagbabawal na pagkolekta ng placement fee ng mga lisensiyadong recruitment agency.
Ayon sa mga domestic helper, sa unang tingin ay pabor sa kanila ang bagong polisiya ng DOLE at POEA pero kung susuriin at kalaunan ay siya palang unti-unting papatay sa kanila dahil hindi na kukuha ng Pinay DH ang mga employer sa ibang bansa dahil sa mataas na pasahod.
Magsasagawa rin ng kilos protesta ang mga DH sa Tuguegarao, Cagayan de Oro, Davao, Iloilo at Zamboanga. (Mer Layson)