Ayon kay Pichay, hindi dapat papasukin sina Oreta at Sotto sa administration ticket dahil magbubukas ito ng pagbatikos na tinatanggap ng administrasyon ang mga political opportunists at binabalewala ang prinsipyo ng katapatan sa partido.
Bukod sa kaliwat kanang pagbatikos, walang mukhang ihaharap ang administrasyon kung papayagan nito na isama sa listahan ng administration ticket sa Senado sina Oreta at Sotto.
"Nasaan ang prinsipyo dito? Baka maakusahan pa tayong mga oportunista at binalewala ang panindigan at katapatan," ayon kay Pichay.
Matatandaan na kasama sina Oreta at Sotto sa mga miyembro ng oposisyon na nag-aakusa kay Pangulong Arroyo ng pandaraya, pagnanakaw at pagsisinungaling.
Iminungkahi din ni Pichay sa administrasyon na magsasagawa ng multi-party caucus upang maiwasan ang anumang laglagan sa senatorial line-up ng koalisyon, sakaling ipilit ang pagkuha kina Sotto at Oreta.
Gayunpaman, magkakaroon man ng konsultasyon sa lahat ng partido, mananatiling tutol si Pichay sa pagpasok sa koalisyon ng mga dating kaalyado ng pinatalsik na pangulo.
Naniniwala din ang Kongresista na "ill-advised" ang nasabing mungkahi at taliwas ito sa disiplina at katapatan sa partido, bukod pa sa binibigyan nito ng pabor ang mga oportunista sa larangan ng pulitika.
Nanindigan din si Pichay na wala siyang personal na galit kina Sotto at Oreta at tinututulan lamang nito ang matawag na oportunista ang administrasyon. (Malou Escudero)