Ayon sa isang source, ipinagkaloob ang kontrata sa pag-imprenta ng gagamiting balota sa darating na eleksiyon sa Lamco Paper Products Corporation na nagkakahalaga ng P23,899 sa kada ream kumpara sa Advance Computer Forms na mayroong bid na P14,999 sa kada ream o diperensiya na P8,999 kada ream.
Ang total bid ng Lamco ay umaabot sa P310, 543,606 kumpara sa bid ng Advance na nagkakahalaga lamang ng P194,897,006.
Ang Lamco at Advance lamang ang sinasabing nakapasa mula sa apat na bidders. Ang dalawa pang bidders ay ang Noahs Paper at Multi-Forms Corporation pero na-disqualify matapos hindi maabot ang requirements ng Comelec Bids and Awards Committee na pinamumunuan ni Jose Tolentino Jr.
Ayon sa source, kwestiyonable din ang ginawa ng Comelec-BAC dahil sa kawalan ng kinatawan mula sa mga concerned bidders o technical expert nang i-evaluate ang procedure para sa security features ng sample na isinumite ng Lamco at Advance.
Natuklasan din na biglang binago ng Comelec-BAC ang specifications para sa ballot paper, tatlong araw bago ang naka-schedule na bidding noong Enero 20 na at sa normal na procedure naman ay nagbibigay ng pitong araw na notification.
Sa unang notice na naka-publish noong Disyembre 29, sinabi ng BAC na dapat ang ballot paper ay "watermarked mechanical bond" na 70 gsm na mayroong "watermarked impression".
Biglang binago ng BAC ang specifications nito ng wood-free book paper, white-85 gsm Paper na nagtataglay ng watermark na ginawa sa proseso ng dandy roll.
Nabatid na marami ring pagbabago ang isinagawa ng Comelec-BAC na maituturing na hindi kanais-nais.
Ibinunyag pa ng source na ang may-ari umano ng Lamco ay isang Terry Sy na siyang supplier din ng papel sa mga librong ginagamit ng Department of Education. (Rudy Andal)