Inihayag ng kanyang abogadong si Alfredo Villamor sa Sandiganbayan Special Division ang desisyon ni Ang na pumasok sa plea bargaining agreement at umamin sa mas mababang offense na "corruption of public officials".
Kapwa akusado ni Estrada at ni Sen. Jose "Jinggoy" Estrada si Ang sa capital offense na plunder na may parusang habambuhay na pagkabilanggo, samantalang ang kasong corruption of public officials ay may parusa lamang na dalawang buwan hanggang anim na taong pagkabilanggo.
Dahil nasorpresa sa inihayag ni Villamor, tinanong ng mga mahistrado ng Special Division si Ang na dumalo sa pagdinig kung naiintindihan niya ang laman ng agreement at kung nakahanda ito sa kahihinatnan ng kanyang desisyon.
Sinabi ni Ang na nalalaman niya ang pinapasok na plea bargaining agreement kaugnay sa kanyang kasong plunder.
Hiniling naman ni Jay Flaminiano, isa sa mga abogado ni Estrada sa mga justices na mabigyan ng kopya ng agreement ang kanyang kliyente.
Pero sinabi ni Special Prosecutor Dennis Villa-Ignacio na hindi na kailangang bigyan ng kopya ang kampo ng dating pangulo dahil ang pinapasok na kasunduan ay may kinalaman lamang kay Ang.
Nakasaad pa sa agreement na nais ni Ang na bayaran ang P25M sa pamamagitan ng kanyang real estate property na nasa Corinthian Gardens sa Quezon City.
Kaugnay nito, sinabi ni Special Prosecutor Dennis Villa-Ignacio na maituturing na isang partial victory ang pagbaliktad ni Ang.
"He is a credible witness, kasi from the inside siya eh. At saka admissible yong kanyang testimonya," ani Villa-Ignacio.
Ayon sa special court ng Sandiganbayan, bago ang hearing sa susunod na linggo, dedesisyunan nila ang bargaining plea ni Ang.