Sinabi ni Antonio Go, academic supervisor ng Marian school, sa pagdalo nito sa pagdinig ng senate sub-committee on textbook na pinamumunuan ni Sen. Panfilo Lacson na nadiskubre niyang mahigit sa 100 librong gamit sa public school ang mayroong mga error.
Isinumite ni Go sa komite ni Lacson ang 2 libro na mayroong error sa impormasyon tulad ng Kasaysayan ng Pilipino sa grade 5 na nilimbag ng Watana Phanit at Asya, Noon, Ngayon at sa Hinaharap sa grade 2 na inimprinta naman ng SD publications.
Inaasahan na rin ni Go ang panibagong demanda na posibleng isampa sa kanya ng mga publications na ibinunyag niyang mayroong mga error ang nilimbag na mga libro.
Nangako naman si Go na handa siyang makipagtulungan sa Department of Education at mga publisher ng textbooks upang mabago ang sistema para hindi na maulit ang mga ganitong pagkakamali sa impormasyon na pag-aaralan ng mga estudyante sa pampublikong paaralan. (Rudy Andal with trainees Kathleen Elipse and Merdelle Sarria)