Ayon sa ulat, wala na sa nasabing ospital si Leviste na sinasabing umalis noong araw na naglagak ito ng piyansa.
Matatandaang isinugod si Leviste sa Makati Med noong Enero 12 matapos ma-high blood makaraang mapatay ang kanyang tauhan na si Rafael delas Alas sa opisina ng una sa Makati.
Ayaw namang kumpirmahin ng abogado ni Leviste kung wala na nga o nandoon pa sa naturang ospital ang kanyang kliyente. May mga banta raw kasi sa buhay ng gobernador.
Kahapon ay inilibing na ang labi ni delas Alas sa bayan nito sa Batangas.
Tanging hiling ng pamilya delas Alas ay manaig ang hustisya.
Sinabi ng pamilya delas Alas na hindi sila kuntentong homicide lamang ang kasong naisampa kay Leviste sa halip na murder.
Masyado umanong minadali ang pagsasampa ng kaso sa korte kahit hindi pa naman kumpleto ang ballisitic records at iba pang medical findings na tutukoy kung self-defense ang nangyari.
Tiniyak naman ni Justice Secretary Raul Gonzalez na magtatalaga siya ng special prosecutor na hahawak sa kaso kapalit ng unang humawak nito.
Nais ng kampo ni delas Alas na palitan si 2nd City Prosecutor Henry Salazar ng Makati Prosecutors.
Apela naman ng abogado ni Leviste na hintayin na lamang sa korte ang resulta ng kaso. (Lordeth Bonilla/ Grace dela Cruz)