Ayon kay Defensor, ang serye ng suspensiyon sa mga local executives na ipinatupad ng DILG at Ombudsman ay nakadagdag pa sa problema ng bansa ngayong umiiral ang election period.
Bagamat inirerespeto ni Defensor ang indipendensiya ng DILG at Ombudsman, sinabi nito na hindi rin naman makakabawas sa kapangyarihan ng ahensiya kung ikukunsidera ang pansamantalang pagpigil sa kanilang mga aksiyon laban sa mga local executives na nahaharap sa kaso.
"Alam naman natin na kahit noong hindi pa election period ay nagkakaroon na tayo ng pagkakahati-hati dahil sa magkakaibang paniniwala sa pulitika, sana naman, hindi na natin madagdagan para na rin sa kapakanan ng ating bansa," sabi pa ni Defensor na kasama sa administration ticket para sa pagka-senador.
Naniniwala si Defensor na ang ilang buwang pagpigil sa aksiyon ng Ombudsman at DILG ay makababawas sa tensiyong pangpulitikang umiiral sa maraming lokalidad. (Doris Franche)