Nanawagan kahapon si Lt. Commander Joseph Coyme, hepe ng public information office, sa mga kuwalipikadong indibidwal na agad na magsumite ng kanilang aplikasyon upang mapunan na ang kakulangan nila sa tauhan.
Sinabi nito na kulang na kulang sila ngayon ng tao na magpapatrulya sa karagatan ng bansa at mga isla kung saan binabantayan ang pagpasok ng mga dayuhang mangingisda o "poacher", mga lokal na mangingisda na gumagamit ng ilegal na pamamaraan, sindikato ng smuggling gamit ang karagatan at maging sa pagbabantay laban sa terorismo.
Bukod dito, kailangan din ng mga bagong tauhan sa pagresponde sa mga malalaking trahedya tulad ng mga aksidente ng mga barko, pagkawala ng mga mangingisda at mga oil spill.
Upang makomisyon bilang isang opisyal ng PCG, kailangan ang isang aplikante na Pilipinong ipinanganak sa bansa, malusog ang katawan at pag-iisip, at nakatapos sa apat na taong kurso, partikular ang BS Marine Transportation, BS Marine Engineering, BS Computer Engineering, BS Electronics and Communications Engineering at BS Criminology.
Kailangan din na nasa edad 21-26 anyos at dadaan sa masusing training bago hirangin na Ensigns, 2nd Lieutenant o "naval reservist" sa kanilang pagtatapos.
Sa mga nagnanais naman na maging "enlisted officer" ng PCG, bukod sa mga nabanggit na mga kurso sa kolehiyo, kuwalipikado rin na mag-apply ang mga tapos sa vocational course na lisensiyado ng TESDA tulad ng Electrical at Electronics technology, refrigeration and air-conditioning at Auto Diesel Mechanics. (Danilo Garcia)