Base sa ulat na isinumite kay BIR Commissioner Jose Mario Bunag, iniulat ni Subic Revenue District Officer (RDO) Edgardo Tolentino na ang kanilang ahensya ay nakapangkolekta ng kabuuang P1.12-bilyon mula sa 5% ng withholding taxes mula sa 62, 000 manggagawa, gross taxes naman sa mga rehistradong Freeport enterprises at mga resibo ng buwis.
Idinagdag pa ni Tolentino na ang collection target na P950-milyon noong 2006 ay nalagpasan ng 18 porsiyento kung kayat ang year-end collection ng BIR ay umabot sa P1.12-bilyon buwis na nailagay na sa kaban ng bayan.
"Tuluy-tuloy pa rin ang paglaki ng ating revenue collections sapagkat sa matagumpay at sipag ng kasalukuyang administrasyon ng SBMA na makapagbigay ng libu-libong bagong trabaho sa pamamagitan ng pagpupursige sa mga lokal at dayuhan na mamumuhunan sa Freeport," pahayag ni Tolentino.
Napag-alamang nakapag-labas na ang Department of Budget and Management (DBM) ng P54-milyon noong 2006 at ipinamahagi sa mga munisipalidad sa palibot ng Subic Freeport at Clark Special Economic Zone bilang bahagi ng kanilang pagbibigay ng 5 porsiyentong gross income taxes na ibinayad ng mga imbestor sa loob ng dalawang economic zone.
Bagsak naman ang collection target ng tanggapan ng Bureau of Customs-Port of Subic (BoC-PoS) sa pamumuno ni Customs Collector Marietta Zamoranos na pinaniniwalaang patuloy pa rin ang mga mala-anomalyang transaksyon at kurapsyon sa loob ng naturang kawanihan. (Jeff Tombado)