VFA pinadedeklarang ‘unconstitutional’

Hiniling ni dating Senate President Jovito Salonga at ilan pang personalidad na ideklara ng Korte Suprema na "unconstitutional" ang Visiting Forces Agreement (VFA) dahil ito ay nagiging pribilehiyo ng mga kriminal.

Batay sa 43-pahinang petition ni Salonga, nagkakaroon lamang umano ng pagka-bias dahil sa pagpayag ng gobyerno na mapunta sa US Embassy ang kustodiya ng sinumang sundalong nahaharap sa kasong kriminal gaya ng nangyari sa convicted rapist na si US Marine Lance Cpl. Daniel Smith.

Aniya, sa ilalim ng VFA, nilalabag umano nito ang karapatan ng bawat isa na magkaroon ng pantay na proteksiyon ng batas dahil sa hindi patas na pagpapatupad ng proseso kaugnay sa kustodiya ng mga US personnel sa oras na maharap ang mga ito sa kasong kriminal.

Tanging ang karapatan lamang umano ng mga US personnel ang pinangangalagaan ng VFA at hindi ang karapatan ng mga Filipino kahit pa man nasa sariling bansa ang mga ito. (Grace dela Cruz)

Show comments