Inamin kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Oscar Calderon na nagkaroon ng kapalpakan ang mga operatiba ng pulisya sa pagsalakay sa kapitolyo at dahil dito, ikinokonsidera na ni Gen. Calderon ang pagbabalasa sa puwersa ng Iloilo Police at kung kailangang may sibakin ay kanyang aalisin.
Ipinadala ng ng PNP ang tinaguriang high level team nito, ang Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Directorate for Investigation and Detection Management (DIDM) upang mag-imbestiga kung talagang nagkaroon ng overkill sa insidente gaya ng alegasyon ng kampo ni Tupas.
"Based on initial video footage, I can say I saw some violations, foremost of which is the sight of policemen pointing firearms at unarmed persons. While the breaking of glass panels may be justified in a clearing operations, kailangan muna nating makita ang extent ng damage para madetermina kung overkill nga," ani Calderon.
Sa kabila nito ay idinepensa naman nito ang operasyon sa katwirang ipinatutupad lamang ng PNP ang dismissal order laban kay Gov. Tupas Sr. na tumangging lisanin ang kapitolyo simula pa noong nakaraang linggo pagkaraang mabatid na pinasisibak na siya ni DILG Secretary Ronaldo Puno.
Tiniyak naman nito na walang magaganap na whitewash sa isasagawang imbestigasyon. (Joy Cantos)