Ayon kay Sen. Estrada, kailangang ipakita ni Singson ang kopya ng nasabing kontrata kung nagsasabi nga siya ng totoo na napagtibay ng pamahalaan ang kontrata para sa rehabilitasyon ng Caliraya-Botocan-Kalayaan(CBK) hydroelectric plant noong panahon ng panunungkulan ng dating pangulo. Binigyang-diin ng senadora na ang sinasabi ni Singson hinggil sa isang video ng paglagda diumano ng dating Pangulo sa kontrata ng Impsa ay walang katotohanan dahil ang isinulat ng kanyang asawa ay pag-aralan muna ang legalidad ng kontrata lalo pat may nakasulat ditong "sovereign guarantee".
"Dapat ang ilabas nila yung kontrata hindi iyang video na iyan," wika ni Dra. Loi. Ipinaliwanag pa ni Sen. Estrada na tatlong araw matapos na palayasin sa Malakanyang ang kanyang asawa, naplantsa ang kontrata ng pamahalaan sa Impsa matapos na magpalabas ng legal opinion si dating Justice Secretary Hernando Perez pabor sa kontrata. Idinagdag pa nito na kahit na sa mga hearing ng Sandiganbayan hinggil sa kasong plunder na kinakaharap ng dating Pangulo, walang nailabas na ebidensiya ang prosekusyon na sangkot si Erap sa Impsa deal. Kasabay nito ay inusisa naman ng senadora kung bakit tinulugan ng Senado ang imbestigasyon sa kontrobersyal na power deal ng pamahalaan sa Impsa.
Taong 2004 pa naghain ng resolusyon si Sen. Panfilo Lacson upang mapaimbestigahan ang isyung ito subalit walang naganap na imbestigasyon sa anomalyang ito. (Rudy Andal)