Ayon kay Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, bagaman at marami ang magkakamag-anak sa pulitika, kung mismong si Arroyo ang magsusulong sa anti-dynasty at pagbabawalang kumandidato ang kanyang mga kamag-anak ay siguradong susunod rin dito ang oposisyon.
Aminado si Cayetano na marami nang maituturing na political dynasty sa bansa kung saan nangunguna ang pamilya Arroyo dahil sa balitang dalawang kapatid ni First Gentleman Jose Miguel Arroyo ang kakandidato para sa House of Representatives at muling kakandidato si Pampanga Rep. Mikey Arroyo at tatakbo rin ang kapatid nitong si Datu Arroyo.
"Ang political dynasty sa buong bansa napakarami. Ang mga Arroyo nga apat ang patatakbuhin nila sa House of Representatives.
Dalawang kapatid ni First Gentleman, tapos yong dalawang anak ni First Gentleman at ni Presidente," ani Cayetano.
Bagaman at nasisilip rin ang posibilidad na magkaroon ng dalawang Cayetano sa Senado, sinabi ng solon na wala naman silang impluwensiya at wala silang kapangyarihan para i-elect ng taumbayan.
Aminado si Cayetano na sa isang idealistic situation, mas maganda pa rin kung ipatupad ang anti-dynasty.
Dahil may good at bad dynasty aniya, dapat matanggal ang mga pamilyang palpak ang pamumuno at hindi na pinaniniwalaan ng taumbayan. (Malou Escudero)