Ang mga itlog ay inialay ni Cebu Gov. Gwen Garcia sa Carmelite Sisters bilang bahagi ng pamahiin na maitataboy ang masamang panahon sa pamamagitan ng panalangin ng mga madre.
Ayon kay Ambassador Marciano Paynor, secretary-general ng National Organizing Committee ng Summit, lahat ay ginagawa na ng mga lider ng Cebu para hindi na maulit ang pagkakasuspinde ng pulong na unang itinakda noong Disyembre 10-14.
Ang 500 payong anya ay gagamitin ng lahat na lider at delegadong dadalo sakalit umulan.
Simula pa noong Lunes, maulan na sa Metro Cebu kung kaya naghayag ng pangamba ang ilang opisyal na baka hindi na naman matuloy ang pulong.
Pero sinabi ni Paynor na hindi na ipagpapaliban ang Summit, maulan man o hindi, dahil sa ibang bansa tuloy ang mahahalagang pulong kahit mayroong snow at tuloy din naman sa pagdalo ang mga lider dahil hindi kontrolado ng sinuman ang ulan o pagsama ng panahon.
Samantala, todo alerto na ang puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Nabatid na may 5, 500 sundalo habang 7,000 pulis ang naatasang mangalaga sa regional leaders meeting.
Bantay-sarado na rin ng Phil. Coast Guard (PCG) ang karagatan at mga pantalan na sakop ng isla ng Cebu upang matiyak na hindi ito magagamit ng mga terorista sa paghahasik ng kaguluhan.
Samantala, hindi saklaw ang mga commercial planes ng ipinatutupad na "no-fly-zone" sa Cebu. (LiliaTolentino/Rose Tesoro/Joy Cantos/Danilo Garcia)