Customs chief, pinasisibak ng hog raisers

Pinasisibak ng mga opisyal at miyembro ng Hog Raisers Association of the Philippines si Customs Commissioner  Napoleon "Boy" Morales upang mas maging maayos umano ang sistema ng importasyon at eksportasyon sa susunod na taon.Ayon kay Nicanor Briones, pangulo ng mga hog raisers, hindi naging epektibo ang liderato ni Morales magmula nang maitalaga ito ng Pangulong Arroyo sa Bureau of Customs.

Tahasang sinabi ni Briones na kung hindi man tuluyang masibak sa Customs, sinabi nitong nararapat alisin si Morales bilang hepe ng Anti-Smuggling Task Force upang mapalakas ang kampanya laban sa mga smugglers.

Sinabi ni Briones na unti-unti nang namamatay ang mga maliliit na negosyante dahil sa patuloy na pagpasok ng mga smuggled products, partikular na ang mga karneng baboy at mga gulay.

Tinukoy ng mga hog raisers ang pagkakasabat ng CIDG-Task Force on Anti-Smuggling sa apat na container vans na nakapangalan sa Asia Golden Pork Marketing matapos illegal na ipuslit papasok sa bansa.

Lumitaw sa inisyal report na inilabas ni NBI Regional Director Ruel Lasala na posibleng inside job ang napaulat napagkawala ng dalawang 40-footer container vans na naglalaman ng mga kontaminadong karne ng baboy na ipinasok sa bansa.

Mula sa pinag-imbakang Sigma Seven Storage and Warehouse na nasa Manila Harbor Center at nasa ilalim ng kustodiya ng Office of the Commissioner, nawala ang tone-toneladang karne na ipinasok sa bansa ng Asia Golden Pork Marketing.

Naniniwala ang mga hog raisers na nabigo si Morales na bigyan ng proteksiyon ang mga local traders kung kaya patuloy na bumabaha ang mga imported smuggled goods sa maraming merkado sa bansa. (Doris Franche)

Show comments