Ito ang naging babala kahapon nina CIBAC Partylist Rep. Joel Villanueva, Akbayan Reps. Loretta Ann Rosales at Risa Hontiveros, kaugnay sa biglaang paglilipat kay Smith na sigurado anilang magiging mitsa ng mga kilos protesta laban sa gobyernong Arroyo sa pagpasok ng 2007.
Inihalimbawa ni Villanueva sa isang magnanakaw ang biglaang paglilipat kay Smith na patunay aniya sa kawalang halaga at pambabastos ng administrasyon sa Konstitusyon at mga demokratikong institusyon.
"Sa ating pagkaka-alam, ang huling utos ng hukuman (Court of Appeals) ay ang manatili sa kustodiya ng Pilipinas si Smith. Di ito maaaring suwayin kahit ng DOJ secretary o Presidente pa! Dapat panagutin ang mga gumawa nang pambababoy na ito," ani Villanueva sa isang text message.
Sinabi naman ni Hontiveros na dapat na talagang patalsikin sa puwesto si Arroyo dahil malaking insulto sa mga kababaihan at mamamayang Filipino ang ginawang pagyuko ng gobyerno sa Amerika na itinaon pa sa pagdiriwang ng Rizal Day.
Idinagdag naman ni Rosales na sobrang nakakasuka ang ginawa ng gobyerno na pagsuko sa gobyerno ng Amerika dahil ipinakita nito na mas mahalaga ang "mighty dollar" kaysa sa kalayaan ng bansa at dignidad ng isang Pinay.
Dapat aniyang managot ang mga taong nasa likod nang paglilipat kay Smith.
Kinumpirma ni Matthew Lussenhop, US Embassy spokesman ang paglilipat kay Smith alas-11 ng gabi noong Biyernes.Natanggap umano nila ang order mula sa Philippine government kung saan ibinase ang paglilipat sa Visiting Forces Agreement. Pero tumanggi si Lussenhop na pangalanan kung aling ahensiya ng gobyerno ang nag-utos sa paglipat kay Smith.
Naniniwala naman ang mga kongresista na dapat magpaliwanag maging ang warden ng Makati City Jail dahil nasa kustodiya nito si Smith. (Malou Escudero)