Nabatid kay PNP Chief Director General Oscar Calderon, bandang alas-2 ng madaling araw ng mahuli sa checkpoint ng PNP-TMG ang sasakyang Silver Chevrolet Suburban SUV ni Valera na walang plaka.
Pauwi na ang gobernador sa kanyang tahanan sa Xavierville subdivision sa nasabing lungsod ng masabat at habulin ng pulisya matapos na magtangka itong tumakas. Kasama rin sa inaresto ang driver nitong si Oscar Abella, retiradong pulis na si Leo Bello at Pedro Castillo, 52 anyos.
Nakuha sa gobernador ang apat na kalibre .45, isang 8mm at isa pang MP-5 submachine gun.
Iginiit ni Valera na ang mga armas ay kailangan niya sa kanyang proteksiyon dahil sa mga banta sa kanyang buhay matapos siyang tanggalan ng security escorts ng PNP.
Sinabi pa ng gobernador na legal siyang nag-aplay para sa Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) para sa naturang mga armas.
Gayunman, aminado naman ang gobernador na hindi niya batid ang ipinapatupad na "no plate, no travel" ng PNP.
Nakatakdang ipasuri sa PNP-Firearms and Explosive Device kung nakarehistro ang naturang mga armas.
Dinala si Valera sa tanggapan ni PNP-CIDG Chief Director Jesus Verzosa sa Camp Crame. Si Verzosa ang pinuno ng binuong Task Force Bersamin.
Kaugnay naman sa kasong murder, nilinaw ni Calderon na sa kasalukuyan ay wala pang basehan ang PNP para ikulong si Valera dahil kailangan pa ng matibay na ebidensiya para ito kasuhan ng murder.
Pero ayon kay Valera, nakahanda siyang makipagtulungan sa PNP upang malutas ang kaso ng pagpatay kay Bersamin.
"Nagkataon lang kasi checkpoint ng TMG, pero habang nandito siya sa Crame sinamantala ng Task Force Bersamin na puwedeng imbitahan si Governor sa killing ni Rep. Bersamin," pahayag ni Calderon.
Nitong Miyerkules ay isinilbi ng pulisya ang imbitasyon kay Valera sa tahanan nito sa QC para isailalim sa masusing pagtatanong sa naganap na krimen pero wala ito sa kanyang bahay.
Ayon kay Calderon, bagaman maraming beses nang itinanggi ni Valera na may kinalaman siya sa pagpatay ay mas mabuti na ring maidokumento ito ng mga imbestigador ng TF Bersamin.
Ang gobernador ay isinailalim rin sa medical checkup at standard fingerprinting procedures sa tanggapan naman ng PNP-TMG bago ibinalik muli sa CIDG. (Joy Cantos)