Ayon sa mga hog raisers, binabantayan nila ngayon ang paglalabas ng National Bureau of Investigation (NBI) ng official report na magtatakda ng paghaharap ng kaso sa mga taong sangkot sa pagkawala ng nakalalasong karneng inangkat mula sa China.
Sa inisyal report na inilabas ni NBI Regional Director Ruel Lasala, kinumpirma nito na malaki ang partisipasyon ng Customs insider sa pagkawala ng dalawang 40-footer container vans.
Nauna rito, nasabat ng CIDG-Task Force on Anti-Smuggling ang apat na container vans na nakapangalan sa Asia Golden Pork Marketing matapos itong mabigyan ng clearance sa Customs.
Matapos ang pagkakumpiska, ipinalagak ni Customs Commissioner Napoleon Morales sa Sigma Seven Storage and Warehouse na nasa Manila Harbor Center. Ayon sa NBI, ang Sigma Seven ay pasilidad na kinontrata ng Customs upang pag-imbakan ng mga nakukumpiskang kontrabando at direktang nasa ilalim ng pangangasiwa ng opisina ni Morales.
"May inilabas na Customs Special Order si Commissioner Morales na pinagbabawalan ang sino man na makapasok sa Sigma Seven Warehouse kung walang written authorization mula sa kanya, pero ang nakapagtataka, bakit nawala pa rin ang mga karneng kontaminado?" sabi pa ng NBI official. (Doris Franche)